Hindi ko alam kung gaano kakumportable ang mga tao ngayon kapag pinag-uusapan ang pagdadasal o anumang may kinalaman sa Diyos. Mayroong iba na naiilang sa ganitong paksa; mayroon naman na okay lang, mapagbigyan lang ang kausap; mayroong iba na hindi maiwasang sabihin, “Ang tagal ko na ngang hindi nagdarasal/nagsisimba e;” at mayroon din naman na ipinagmamalaki na siya ay mapanalangin.
Sa gusto man natin o hindi, ang panalangin ay isang pangangailangan na dapat tugunan. Sa pamamagitan nito, tayo ay nakatatagpo ng kapayapaan at kagaanan na kalooban kung tama ang ating disposisyon. Itinutuwid ng tamang panalangin ang ating mga pananaw, at kasabay nito ang pagbabago ng ating buhay. Halimbawa ay mainitin ang ulo mo sa lahat ng bagay at wala kang pinalalampas na offense, maaaring paglipas ng ilang panahon ay mamamalayan mo na lang na iba na ang damdamin mo tungkol sa maraming bagay. Maaaring may nakahiligan kang gawin na bigla mo na lang mapapansin na hindi na interesante para sayo dahil hindi ito nakakabuti. Maaaring sa ngayon ay palipat-lipat ka ng mga relasyon o kaya ay hindi maganda ang pakikipag-ugnayan mo sa iyong pamilya pero sa mahabang panahon ng tapat na panalangin ay makikita mo kung paanong nagbabago ang relasyon mo sa ibang tao sa mabuting paraan.
Madalas man matupad o hindi matupad ang iyong ipinagdarasal, sigurado namang sa lahat ng pagkakataon ay nangyayari ang dapat mangyari dahil sa iyong pakikipag-usap sa Diyos. Hindi natin alam kung ano ang totoong makakabuti sa atin, pero kapag lagi tayong nagdadasal, makakasiguro tayong mabuti ang ating tinatanggap.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment