Monday, April 12, 2010

Anak

Noong panahong mas malinaw pang mag-isip ang tao, ang anak ay itinuturing na regalo at dahilan ng pagdiriwang o selebrasyon; sa panahon natin ngayon kung saan sinasabing “mas matalino” na ang tao, marami sa mga anak ang itinuturing na pabigat. Kung titingnan mabuti, walang nilalang ang papayag na maubos ang sarili nilang uri. Ang lahat ng may buhay sa mundo ay nakadisenyo para protektahan ang kanilang bilang – mas marami, mas panatag sila sa kanilang seguridad. Sa ganito rin paraan nakadisenyo ang tao. Pero nitong huling panahon, biglang bumaligtad ang takbo ng mga pangyayari. Marami ang mga nakumbinsi ng argumento na ang mas maliit na populasyon ng isang bansa ay mas magbibigay dito ng seguridad. Halos lahat ay naniniwa sa “matalinong” konklusyon na ito. Pero ang mga nakaraang kasaysayan, at maging ang katotohanang pangkasalukuyan, ay hindi sumasang-ayon dito. Hindi lahat ng kaunti ay mayaman, at hindi lahat ng marami ay hikahos. Maraming mga bagay ang nagpapasya kung bakit ang isang pamilya o bansa ay mahirap o mayaman.

Anuman ang opinyon ng bumabasa tungkol sa usapin ng populasyon, ang gusto kong bigyan ng pansin ay ang halaga at dignidad ng bawat anak. Dalawa man o labindalawa ang magkakapatid, ang bawat isang anak ay dapat ituring bilang indibidwal, hindi isang bahagi lamang ng kalahatan.Ang pagmamahal ng magulang ay hindi dapat nahahati o dumidepende sa dami ng anak.Maaaring may pagkakataon na ang pamilya ay kinakapos sa pangangailangan, pero ang pagpapahalaga ng magulang ay dapat manatiling buo at sapat. Dahil sa malabong kaisipan ng tao, hindi bihirang mangyari na ang mga anak ay nahahati sa dalawang grupo – mahal at di-mahal. Ang mga tinatawag na “mahal” ay tumatanggap ng mg pribilehiyo mula sa magulang, karapat-dapat man o hindi. Ang mga tinatawag naman na “di-mahal” ay maaaring hindi pinapansin, madalas mapagalitan, o laging pinaghahanapan. Hindi lahat ng tao ay magulang pero lahat ng tao ay anak, kaya ang lahat ng magulang ay inaasahang magmamahal nang sapat sa bawat anak dahil sila mismo ay mga anak rin na nakakaunawa kung gaano nila kinailangan ang sapat na pagmamahal ng kanilang mga magulang. Kung naranasan man nila na sila ay pinabayaan, lalong dapat nilang maunawaan kung bakit hindi nila dapat gawin yun sa kanilang anak.

Madalas kong naririnig ang linyang, “Anak lang kita,” na sa palagay ko ay isang kamangmangan. Gusto kong ipaalala sa mga magulang (na may ganitong kaisipan) na sila mismo ay hindi matutuwa kung ganito ang turing sa kanila ng kanilang mga magulang. Sa pag-iisip nila ng ganito tungkol sa kanilang mga anak ay ibinabasahan din nila ang kanilang sariling dignidad bilang mga anak. Para na rin nilang sinabing, “Anak lang ako, wala akong totoo at sariling halaga maliban sa ipagkakaloob ng aking magulang.” Ang bawat tao ay may sariling halaga at dignidad na hindi nagmula sa sinuman maliban sa Diyos na lumikha at nagmamahal sa kanya. Sa kabilang banda, ang bawat anak ay nagbibigay-kahulugan sa pagiging magulang, at sa gayon ay lalong nagpapataas sa dignidad ng isang magulang. Minsan ay nakakarinig tayo ng isang masayang ama na sumisigaw, “Tatay na naman ako!” Ito ay pagkilala sa katotohanan na ang kanyang pagiging magulang ay nagmumula sa kanyang indibidwal na relasyon sa kanyang anak at hindi lang dahil may anak na siya. Kaya may ekspresyon na, “a father of…” (e.g. a father of two, a father of three). It is like saying, “I became a father twice,” or thrice. The more child you have, the more father you become. Pero hindi ibig sabihin ay may mga tatay na mas tatay sa iba; nangangahulugan lamang na mas lalong tumitingkad ang dignidad ng pagka-ama kung maraming nagbibigay-dahilan sa kanyang pagiging ama. Pero hindi din dapat kalimutan na hindi ipinipilit ang mga bagay. Kung sino at ilan ang anak na ibinigay sa isang magulang, dapat na siyang makuntento dito. Ang bawat anak ay mula sa Diyos at hindi dapat ipagwalang-bahala. Dapat manatili ang mga magulang sa loob ng kanilang kakayahan at hangganan habang hindi rin naman tumitigil sa pagiging mapagbigay at matapang sa kanilang mga tungkulin.

Kung paanong ang magulang ay dapat igalang, ang bawat anak ay dapat din kilalanin bilang dahilan ng pagiging magulang. Hindi dapat hamakin ninuman ang isang anak dahil hindi lamang siya anak ng tao, siya ay anak ng Diyos.

No comments:

Post a Comment