Monday, April 12, 2010

Panalangin

Hindi ko alam kung gaano kakumportable ang mga tao ngayon kapag pinag-uusapan ang pagdadasal o anumang may kinalaman sa Diyos. Mayroong iba na naiilang sa ganitong paksa; mayroon naman na okay lang, mapagbigyan lang ang kausap; mayroong iba na hindi maiwasang sabihin, “Ang tagal ko na ngang hindi nagdarasal/nagsisimba e;” at mayroon din naman na ipinagmamalaki na siya ay mapanalangin.

Sa gusto man natin o hindi, ang panalangin ay isang pangangailangan na dapat tugunan. Sa pamamagitan nito, tayo ay nakatatagpo ng kapayapaan at kagaanan na kalooban kung tama ang ating disposisyon. Itinutuwid ng tamang panalangin ang ating mga pananaw, at kasabay nito ang pagbabago ng ating buhay. Halimbawa ay mainitin ang ulo mo sa lahat ng bagay at wala kang pinalalampas na offense, maaaring paglipas ng ilang panahon ay mamamalayan mo na lang na iba na ang damdamin mo tungkol sa maraming bagay. Maaaring may nakahiligan kang gawin na bigla mo na lang mapapansin na hindi na interesante para sayo dahil hindi ito nakakabuti. Maaaring sa ngayon ay palipat-lipat ka ng mga relasyon o kaya ay hindi maganda ang pakikipag-ugnayan mo sa iyong pamilya pero sa mahabang panahon ng tapat na panalangin ay makikita mo kung paanong nagbabago ang relasyon mo sa ibang tao sa mabuting paraan.

Madalas man matupad o hindi matupad ang iyong ipinagdarasal, sigurado namang sa lahat ng pagkakataon ay nangyayari ang dapat mangyari dahil sa iyong pakikipag-usap sa Diyos. Hindi natin alam kung ano ang totoong makakabuti sa atin, pero kapag lagi tayong nagdadasal, makakasiguro tayong mabuti ang ating tinatanggap.

Kapatid

Lahat ng magkakapatid ay may parehong magulang pero hindi pare-pareho ang personal na relasyon. Mayroong makapatid na magkaibigan ang turingan, at may iba naman na parang magkaaway. Mayroon din na tinitiis lang ang presensya ng isa’t isa dahil wala nang ibang pagpipilian. Isang kataka-takang katotohanan ang malalim na di-pagkakaunawaan sa pag-itan ng maraming magkakapatid sa aumang dahilan, dahil dapat sana ay sila ang mas nakakikilala, nakakaintindi, at nagmamahal sa isa’t isa. Sa maraming pagkakataon ay ang mga magulang mismo ang nagiging dahilan ng hidwaan sa pag-itan ng magkakapatid dahil sa hindi pantay na pagtingin o dahil sa pagkukumpara at pagkampi sa isa “laban” sa iba. Mahirap man sa ibang magkakapatid na pakisamahan ang isa’t isa, ang pinakamabuti pa rin na magagawa ng isang tao sa kanyang sarili ay ang kilalanin ang anumang mabuti sa kanyang kapatid, gaano man ito kahirap hanapin. Walang sinuman ang totoong natutuwa na mayroon siyang kahidwaan lalo na kung ito ay kanyang kapatid. Ang pagiging kuntento sa isang sitwasyon kung saan ang magkapatid ay mayroong hindi maayos na samahan ay pagsisinungaling sa sarili, dahil ang kalikasan ng tao ay naghahangad ng mabuting relasyon sa lahat ng pagkakataon. Ang pagsasabing siya ay walang pakialam sa kanyang kapatid ay panlilinlang sa sarili. Kung kaya nating mag-isip ng mabuti tungkol sa ibang tao na hindi rin naman perpekto tulad nating lahat, lalong higit na dapat natin itong magawa sa ating sariling kapatid.

Edukasyon

Sinasabi ng mga magulang na ang tanging pamana na hindi maaagaw ng iba ay ang edukasyon. Ang kasabihang ito ay laging totoo. Ipamahagi mo man sa marami ang iyong kaalaman, lalo lang itong madaragdagan. Gaano man tangkain ng iba na kunin ito sa iyo, walang posibilidad na ito ay mangyayari. Hanggat pinanghahawakan mo at isinasabuhay ang iyong pinag-aralan, mananatili itong iyo.

Ang edukasyon ay hindi lamang tumutukoy sa kakayahang sumulat, bumasa, bumilang, o magsaulo; ito ay tumutukoy sa kabutihang idinudulot ng kaalaman at pagkaunawa sa buong pagkatao, at hindi lamang sa utak. Kaya nga kapag sa tingin ng iba ay masama ang iyong ugali, masasabi nila minsan, “Para kang walang pinag-aralan.” Gaano man kalawak ang kaalaman mo sa agham, matematika, pananalita, ekonomiya, at kasaysayan kung hindi naman natutulungang mapabuti ang iyong pagkatao, maiituring pa rin na wala kang edukasyon.

Isang malaking halimbawa ng siyentipikong mangmang ay si Charles Darwin at ang mga kapanalig niya. “Natuklasan” niya daw na ang tao ay binubuo lamang ng mga tissue na walang anumang sistema, sa halip ay bunga lamag ng mga aksidente o yung tinatawag na “random selection”. Ang kanyang pagkakamali ay hindi dahil sa mababang teknolohiya ng kanyang panahon kundi dahil sa pagiging sarado ng kanyang isip. Hindi siya tumutuklas para matagpuan ang katotohanan, sa halip ay para masuportahan ang hindi pa niya talaga natutuklasan pero mahigpit niyang pinaniniwalaan. Bago niya pa man pinag-aralan ang pinagmulan ng tao, buo na sa isip niya na ang lahat ng bagay ay isa lamang malaking aksidente; na nabuo ang lahat nang walang anumang plano. Hindi niya naisip na siya mismo ay hindi makakakilos o makakabuo ng anuman kung walang plano. Biglaan man o matagalan, ang lahat ay nagsisimula sa pagbabalak. Dahil sa teorya ng “random selection” at “non-intelligent creation”, ang halaga ng tao ay naging pangkalahatan na lamang at hindi na indibidwal. Dito na nagsimula ang genetic discrimination at ang pilosopiya ng eugenics na nagsasabing may mga uring nararapat at may mga uring di-nararapat. Sinasabi ng pilosopiyang ito na dapat dumami ang mga nararapat at maubos ang mga di-nararapat. Ito mismo ang dahilan kung bakit ipinapatay ni Adolf Hitler ang milyon-milyong mga Judio, ang mga bakla, at ang mga may sakit sa isip. Ito rin ang dahilan kung bakit na-develop ang IQ test. Si Francis Galton, ama ng eugenics at disipulo ni Darwin, ang tumuklas ng sistema ng IQ test para alamin kung sino ang nabibilang sa mga nararapat at sa di-nararapat. Ang kaisipan din ito ang dahilan kung bakit naging laganap ang kontraseptibong mentalidad. Ang pangangaral tungkol sa mentalidad na ito ay pinagbuhusan ng buhay ng isang Margaret Sanger. Ganito niya sinabi ang kanyang layunin: “More children from the fit, less from the unfit – that is the chief aim of birth control.” Si Sanger ang pangunahing responsable sa pagpapaniwala sa buong mundo na ang kontrasepsyon ang tutulong sa pag-unlad ng tao. Sa kabilang banda, ang pag-unlad na tinutukoy niya ay ang pagkaubos ng lahi ng mga Itim, ng mga bobong Puti, ng mga Ispaniko, at ng mga Katoliko, na ayon sa kanya ay mga mabababang uri. Kasama sa mga plano niya ang paglalagay ng mga Negro sa kinikilalang posisyon para hindi nila maisip na ang totoong balak niya ay ubusin sila. Kahit patay na si Sanger, ipinagpapatuloy ng kanyang mga taga-sunod ang kanyang mga plano. Si Margaret Sanger ang founder ng Planned Parenthood – ang organisasyon na nagluklok kay Barrack Obama sa pagiging presidente ng Estados Unidos. Matagal matupad pero simple lang ang plano ni Sanger: impluwensyahan ang isip ng mga Itim at mga Puti, palaganapin ang kontraseptibong kaisipan sa pamamagitan ng Planned Parenthood, sakupin ng ganitong kaisipan ang buong mundo sa pamamagitan ng Amerika at ng mga kaalyado nitong malalaking bansa, iluklok ang isang Negro sa mataas na posisyon sa pamamagitan ng boto ng mga Amerikanong Itim at Puti, kontrolin ang mga global policy sa pamamagitan ng Itim na pinuno, at sa huli ay maisakatuparan ang pag-ubos sa mga di-nararapat. Noong una ay tinangka ni Margaret Sanger na magtago sa likod ng argumentong, “Dahil sa kontrasepsyon ay mababawasan ang aborsyon,” pero lumabas din ang tunay niyang kulay. Pagkatapos makondisyon ang isip ng maraming tao tungkol sa kontrasepsyon, alam ni Sanger na maaari na niyang simulan ang laban “para” sa aborsyon. Itinayo ang mga klinika ng Planned Parenthood para pumatay ng daan-daang mga sanggol araw-araw. Hanggang ngayon ay tumatanggap ng pondo mula sa gobyerno ng Amerika ang organisasyong ito para ipangaral ang doktrina ng aborsyon sa buong mundo. Ang mga mamamatay-taong ito ang nasa likod ni Barrack Obama, at nasa likod ng mga propaganda tungkol sa kontrasepsyon. Una sa mga isinakatuparan ni Obama bilang presidente ay ang tanggalin ang pagbabawal ng batas na gamitin ang yaman ng Estados Unidos para mag-promote ng aborsyon sa ibang bansa. Ibig sabihin, gagamitin niya ang lahat ng perang pwede niyang magamit para kumbinsihin ang mga bansang tulad ng Pilipinas at ang mga lahing Itim para ubusin ang sarili nilang lahi.

Simula noong 1973, ang kabuuang bilang ng mga Amerikanong Itim na pinatay sa aborsyon ay umabot na ng 13 milyon. Hindi pa kasama dito ang ibang lahi ng gustong ubusin ni Sanger. Labindalawang porsyento ng aborsyon sa Amerika ang kinasasangkutan ng mga Itim na ina. Dahil din sa panlilinlang ng Amerika sa mga Africano tungko sa paggamit ng condom, at sa proteksyon nito laban sa sakit, ay lalong dumami nang dumami ang mga Itim na namamatay dahil sa AIDS.

Ngayon ay nasa bansa na natin ang kamandag ni Sanger at ipinipilit na rin maisabatas sa anumang paraan – labag man sa batas – ang pagpopondo ng gobyerno sa mga kontraseptibong pamamaraan, pag-impluwensya sa kaisipan ng mga kabataan, at ang pagpaparusa sa mga tututol dito. Pero ang tanong ay mayroon pa nga bang tututol? Ang karamihan ng mga Filipino ay wala na rin lakas na tumanggi sa kaisipang ito dahil sa loob ng maraming taon ay kinain na rin ng pilosopiya ng kontrasepsyon ang utak ng bansang nagsasabing sila ay Cristiano; ni wala silang kahit kaunting ideya na ang mga katulad nilang Cristiano ang itinuturing ng mga tagapagsulong ng birth control bilang mababang uri at dapat maubos – “mga anak na hindi dapat isinilang” (Pivot of Civilization, Margaret Sanger).

Ganito ang panganib ng hindi totoong edukasyon. Kung paanong ang edukasyon ay nagpapatatag ng pagkatao at ng bansa, ang kamangmangan at kawalan ng tamang pagpapahalaga – kahit pa sa ngalan ng agham – ay nagwawasak sa bawat aspeto ng buhay ng tao. Ang siyensya kung walang konsensya ay isang malaking kahangalan. Hindi kailanman dapat mawala sa isip ng mga kabataan na ang tunay na edukasyon ay kumikilala sa tunay na halaga ng bawat indibidwal at nagpapabuti sa pagkatao ng mga nag-aaral.

Anak

Noong panahong mas malinaw pang mag-isip ang tao, ang anak ay itinuturing na regalo at dahilan ng pagdiriwang o selebrasyon; sa panahon natin ngayon kung saan sinasabing “mas matalino” na ang tao, marami sa mga anak ang itinuturing na pabigat. Kung titingnan mabuti, walang nilalang ang papayag na maubos ang sarili nilang uri. Ang lahat ng may buhay sa mundo ay nakadisenyo para protektahan ang kanilang bilang – mas marami, mas panatag sila sa kanilang seguridad. Sa ganito rin paraan nakadisenyo ang tao. Pero nitong huling panahon, biglang bumaligtad ang takbo ng mga pangyayari. Marami ang mga nakumbinsi ng argumento na ang mas maliit na populasyon ng isang bansa ay mas magbibigay dito ng seguridad. Halos lahat ay naniniwa sa “matalinong” konklusyon na ito. Pero ang mga nakaraang kasaysayan, at maging ang katotohanang pangkasalukuyan, ay hindi sumasang-ayon dito. Hindi lahat ng kaunti ay mayaman, at hindi lahat ng marami ay hikahos. Maraming mga bagay ang nagpapasya kung bakit ang isang pamilya o bansa ay mahirap o mayaman.

Anuman ang opinyon ng bumabasa tungkol sa usapin ng populasyon, ang gusto kong bigyan ng pansin ay ang halaga at dignidad ng bawat anak. Dalawa man o labindalawa ang magkakapatid, ang bawat isang anak ay dapat ituring bilang indibidwal, hindi isang bahagi lamang ng kalahatan.Ang pagmamahal ng magulang ay hindi dapat nahahati o dumidepende sa dami ng anak.Maaaring may pagkakataon na ang pamilya ay kinakapos sa pangangailangan, pero ang pagpapahalaga ng magulang ay dapat manatiling buo at sapat. Dahil sa malabong kaisipan ng tao, hindi bihirang mangyari na ang mga anak ay nahahati sa dalawang grupo – mahal at di-mahal. Ang mga tinatawag na “mahal” ay tumatanggap ng mg pribilehiyo mula sa magulang, karapat-dapat man o hindi. Ang mga tinatawag naman na “di-mahal” ay maaaring hindi pinapansin, madalas mapagalitan, o laging pinaghahanapan. Hindi lahat ng tao ay magulang pero lahat ng tao ay anak, kaya ang lahat ng magulang ay inaasahang magmamahal nang sapat sa bawat anak dahil sila mismo ay mga anak rin na nakakaunawa kung gaano nila kinailangan ang sapat na pagmamahal ng kanilang mga magulang. Kung naranasan man nila na sila ay pinabayaan, lalong dapat nilang maunawaan kung bakit hindi nila dapat gawin yun sa kanilang anak.

Madalas kong naririnig ang linyang, “Anak lang kita,” na sa palagay ko ay isang kamangmangan. Gusto kong ipaalala sa mga magulang (na may ganitong kaisipan) na sila mismo ay hindi matutuwa kung ganito ang turing sa kanila ng kanilang mga magulang. Sa pag-iisip nila ng ganito tungkol sa kanilang mga anak ay ibinabasahan din nila ang kanilang sariling dignidad bilang mga anak. Para na rin nilang sinabing, “Anak lang ako, wala akong totoo at sariling halaga maliban sa ipagkakaloob ng aking magulang.” Ang bawat tao ay may sariling halaga at dignidad na hindi nagmula sa sinuman maliban sa Diyos na lumikha at nagmamahal sa kanya. Sa kabilang banda, ang bawat anak ay nagbibigay-kahulugan sa pagiging magulang, at sa gayon ay lalong nagpapataas sa dignidad ng isang magulang. Minsan ay nakakarinig tayo ng isang masayang ama na sumisigaw, “Tatay na naman ako!” Ito ay pagkilala sa katotohanan na ang kanyang pagiging magulang ay nagmumula sa kanyang indibidwal na relasyon sa kanyang anak at hindi lang dahil may anak na siya. Kaya may ekspresyon na, “a father of…” (e.g. a father of two, a father of three). It is like saying, “I became a father twice,” or thrice. The more child you have, the more father you become. Pero hindi ibig sabihin ay may mga tatay na mas tatay sa iba; nangangahulugan lamang na mas lalong tumitingkad ang dignidad ng pagka-ama kung maraming nagbibigay-dahilan sa kanyang pagiging ama. Pero hindi din dapat kalimutan na hindi ipinipilit ang mga bagay. Kung sino at ilan ang anak na ibinigay sa isang magulang, dapat na siyang makuntento dito. Ang bawat anak ay mula sa Diyos at hindi dapat ipagwalang-bahala. Dapat manatili ang mga magulang sa loob ng kanilang kakayahan at hangganan habang hindi rin naman tumitigil sa pagiging mapagbigay at matapang sa kanilang mga tungkulin.

Kung paanong ang magulang ay dapat igalang, ang bawat anak ay dapat din kilalanin bilang dahilan ng pagiging magulang. Hindi dapat hamakin ninuman ang isang anak dahil hindi lamang siya anak ng tao, siya ay anak ng Diyos.

Magulang

Madalas nating naririnig ang kasabihang, “Walang magulang ang naghangad ng masama sa kanyang anak,” at “Matitiis ng anak ang magulang pero hindi matitiis ng magulang ang anak.” Noong unang panahon man o ngayon, mga “naïve” lang ang sasakay sa ganitong paniniwala. Magulang man o anak, pare-pareho lang ng kalikasan ang tao; lahat tayo ay may kanya-kanyang kahinaan at kakulangan. Sa halip na mag-imbento tayo ng kung ano-anong kasabihan para lang ikondisyon ang isip ng mga anak tungkol sa kanilang mga magulang, mas magiging karespe-respeto ang isang magulang kung siya ay makatotohanan, marunong tumanggap ng pagkakamali, humingi ng tawad, at totoong nagsusumikap na maging mabuting magulang, dahil ang isang taong mahilig mangatwiran para sa sarili ay isang taong walang balak magbago. Kaya ang ganitong uri ng magulang ay lalo lamang hindi makatatanggap ng totoong respeto.

Sa kabilang banda, kahit anong uri pa man ng tao ang isang magulang, siya ay nararapat sa paggalang ng kanyang mga anak. Ang ating respeto sa mga magulang ay hindi dahil sila ay perpekto kundi dahil sa dignidad nila bilang magulang. Sila ay mga kamanggagawa ng Diyos sa pagbuo ng isang malaking pamilya na makikita natin sa takdang panahon. Kung ang mismong mga magulang man ang hindi nakakikilala sa dignidad na ito, hindi pa rin ito mawawala sa kanila. Maaari natin itong ihalintulad sa isang batang prinsepe na bagamat wala pang kamalayan sa kanyang dignidad bilang anak ng hari, at ang tanging alam niya ay kapilyuhan, hindi niya maiwawala ang dignidad na ito. Sa kaso ng magulang na naging mabuting halimbawa sa kanilang mga anak, ang respetong tinatanggap nila ay nagmumula rin sa paghanga ng kanilang mga anak at sa pagtanaw ng utang na loob. Kung ang isang magulang ay may sapat na pagpapakita ng pagmamahal, tamang pagdisiplina, at sapat na mabuting halimbawa, hindi siya kailanman hahamakin ng kanyang anak, sa halip ay pupurihin siya at ipagmamalaki.

Nakakarinig din tayo at nakakakita ng kwento na mga magulang na bukod sa hindi na naging mabuting halimbawa ay naging masama pang impluwensya. Ang iba ay nagsisilbi pang panganib sa buhay, pagkatao, at kinabukasan ng kanilang mga anak. Para sa akin, hindi dapat iwan ang mga anak sa ganitong mga magulang dahil sa banta nito sa kanilang kaligtasan. Ganun pa man, hindi rin dapat impluwensyahan ng sinuman ang kaisipan ng mga batang ito para magalit sa kanilang magulang. Gaano man kabulok ang pagkatao ng iyong pinagmulan, hindi ito dapat maging dahilan para mapagbigyan ang galit na bulukin ang iyong kaisipan at puso. Huwag mong sasabihin, “Hindi ako katulad nila, ” dahil tao ka rin na may kahinaan tulad ng lahat. Hindi mo rin dapat sabihin, “Damayan na lang yan, kung ano ang puno, yun ang bunga, ” dahil may sarili kang pagkatao at malayang pasya. Hindi mo maiisisi sa iba ang gawaing ikaw ang may pananagutan. You can rise up above others. Hindi dahil magnanakaw ang lahat ng iyong mga kamag-anak at mga kapitbahay ay magiging magnanakaw ka na rin. Totoong malaking impluwensya ang magulang pero nakaukit pa rin sa ating puso ang paghahanap sa mabuti, at paghahangad na gawin ito.

Sa lahat ng pagkakataon ay dapat nating kilalanin at tingalain ang dignidad ng pagiging magulang, sa sarili man nating pamilya o sa ibang tao.Gaano man kalaki ang kanilang pagkukulang, panatilihin natin sa kanila ang paggalang.